CAUAYAN CITY – Tatlo ang naghain ng kandidatura sa pagka-alkalde sa Lungsod ng Santiago.
Ito ay kinabibilangan nina Arlene Alvarez-Reyes, Otep Miranda at incumbent Mayor Sheena Tan.
Anim naman ang maglalaban-laban sa pagka- Bise Mayor na sina Kit Galang, Gene Jose, Jigs Miranda, Doc Navarro, Doksam Navarro at Jamayne Tan habang aabot naman sa 35 ang maghaharap sa pagka-konsehal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jenny May Gutierez, City Election Officer ng Comelec Santiago City, sinabi niya na bagama’t marami ang naghain ng kandidatura sa Lungsod ng Santiago ay wala naman umano siyang nakikitang magiging problema sa election dahil relatively peaceful umano ang political environment sa Santiago City.
Samantala, ipinaliwanag naman ng Comelec na mayroon lamang limang araw ang mga indibidwal na nais mag-file ng petisyon sa Commission on Elections matapos ang filing ng Certificate of Candidacy para I-deny ang kandidatura ng isang aspirant.
Ayon kay Atty Gutierrez, kapag nais ng isang indibidwal na ideklarang nuisance candidate ang isang aspirant ay dapat itong personal na magsumite ng petisyon sa Comelec kasama ang mga dokumento na susuporta sa petisyon.
Aniya, limitado lamang sa limang araw ang paghahain ng anumang petisyon at hindi na sila tatanggap pa pagkatapos ng ibinigay na palugit dahil kinakailangan umano nila ng sapat na panahon para I-finalized ang listahan ng mga kandidato na mapapabilang sa balota.