--Ads--

CAUAYAN CITY – Narescue ng mga kasapi ng Tumauini Police Station ang tatlong menor de edad na galing sa Tuguegarao City at naglalakad pauwi sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ang mga narescue ay sina alyas Marie, 15 anyos; alyas Len, 13 anyos at alyas Fred, 17 anyos, pawang residente ng San Nicolas, Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rolando Gatan, hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na galing ang tatlong menor de edad sa Annafunan, Tuguegarao City.

Nakita sila ng mga nagpapatrolyang kasapi ng kanilang himpilan na naglalakad sa palengke ng nasabing bayan.

--Ads--

Nilapitan nila ang tatlong kabataan  dahil may mga bitbit silang  mga gamit.

Dinala nila ang tatlo sa kanilang himpilan para sa karagdagang pagtatanong at batay sa kanilang kuwento ay may nakilala silang nagngangalang Leslie Estacio sa kanilang lugar sa Nueva Ecija at kinuha sila para magtrabaho sa isang junkshop sa Annafunan, Tuguegarao City kung saan sila namalagi ng anim na buwan.

Hindi na umano sila binibigyan ng sahod ng  kumuha sa kanila para magtrabaho.

Noong July 4, 2020 ay pinaalis na  sila kaya nagdesisyon silang umalis at naglakad.

Sa kanilang  paglalakad ay binigyan sila ng pagkain ng ilang tao hanggang makarating sila sa bayan ng Tumauini, Isabela.

Ayon kay Maj. Gatan, dinala na nila sa ospital ang tatlong kabataan para sa kanilang check-up at ipapasakamay nila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kaukulang disposisyon dahil wala naman silang numero ng telepono ng kanilang kamag-anak na puwedeng kontakin.

Inaalam na nila kung totoo ang binanggit nilang pangalan na kumuha sa kanila para sa posibleng pagsasampa ng kasong Child Trafficking.

Ang pahayag ni PMaj Rolando Gatan