Sinampahan ng kasong theft ang tatlong indibidwal matapos umanong mahuli na nagbababa at nagbebenta ng mga broiler chicken na dapat sana ay ihatid sa isang dressing plant sa San Isidro, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Patrolman Racky Kenneth B. Diga, Investigation Police Non-Commissioned Officer ng San Mateo Police Station, sinabi nitong nangyari ang insidente noong Agosto 22.
Ayon kay Pat. Diga, nakatanggap sila ng reklamo mula sa poultry grower na si Willie Martin Jr., matapos nitong sundan ang tatlong indibidwal na naghakot ng kaniyang mga manok mula sa farm sa Barangay Marasat Pequeño, San Mateo Isabela patungo sa dressing plant.
Aniya, sa halip na dumiretso sa destinasyon, lumiko umano ang mga suspek sa isang barangay road sa Barangay Victoria, San Mateo, kung saan sila pumarada sa gilid ng irigasyon.
Doon umano sila naaktuhan ng complainant na nagbababa ng mga manok at ibinibenta ang mga ito sa sakay ng isang puting L300 van.
Agad na humingi ng tulong sa pulisya ang complainant, habang rumesponde naman ang mga tauhan ng PNP Alicia matapos matanggap ang impormasyon.
Sa isinagawang inventory ng mga pulis, lumitaw na humigit-kumulang 30 heads ng manok ang nawawala.
Ayon kay Pat. Diga, hindi nahuli ang mga sakay ng L300 van na pinaglipatan umano ng mga manok, ngunit patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang kanilang pagkakakilanlan.
Samantala, agad na sinampahan ng kasong theft ang tatlong suspek matapos makumpleto ang imbestigasyon at mapatunayang sangkot umano sa insidente.
Kabilang sa mga inaresto ang 87-anyos na driver, residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya; 36-anyos na pahinante, residente ng Divisoria, Santiago City; at isang residente ng Diadi, Nueva Vizcaya.
Pinaalalahanan naman ng pulisya ang mga poultry grower at iba pang negosyante na mas tutukan at pangasiwaan ang kanilang mga operasyon upang maiwasan ang ganitong insidente.
Hinikayat din ang sinumang gumagawa ng katulad na gawain na itigil ito dahil may kaukulang pananagutan sa ilalim ng batas.











