Isang 38-anyos na babae sa United States ang nakatapos ng pitong World Marathon Majors ngayong 2026 habang buntis, kabilang ang New York City Marathon na tinakbo niya sa ikawalong buwan ng kanyang pagbubuntis.
Si Deirdre Keane, isang marathon runner na nakatapos na ng mahigit 60 karera bago mabuntis, ay sinimulan ang hamon sa Tokyo Marathon noong Marso. Natuklasan niyang buntis siya matapos mapansin ang pagbabago sa kanyang katawan habang sumasali sa Boston at London marathons noong Abril.
Sa pahintulot ng kanyang doktor, ipinagpatuloy niya ang pagtakbo habang mahigpit na binabantayan ang kanyang kalusugan, nutrisyon at hydration.
Natapos niya ang Sydney Marathon sa limang buwang pagbubuntis, Berlin sa anim na buwan, Chicago sa pito at New York City Marathon sa walong buwan.
Natapos ni Keane ang huling karera sa loob ng 4 na oras, 6 na minuto at 55 segundo.
Nais naman niyang maipasa sa kanyang magiging anak ang mga aral na natutuhan niya sa pagtakbo, kabilang ang pagiging matatag at paniniwalang kayang harapin ang mahihirap na pagsubok.





