Patay ang apat na tripulante matapos atakihin ng mga Houthi rebel na suportado ng Iran ang isang maliit na cargo ship sa Bab el-Mandeb Strait sa Yemen noong Martes, Agosto 11.
Ayon sa Ministry of Transport ng Yemen, dalawa ring rescuer mula sa isang anti-Houthi military group ang nasawi sa naturang insidente, batay sa ulat ng Yemen Coast Guard.
Kinilala ang barko bilang Tihamah, isang cargo ship na pagmamay-ari ng isang kumpanyang Egyptian. Ito ang unang naitalang pagkamatay sa isang pag-atake ng Houthi laban sa mga sasakyang pandagat mula nang magsimula ang digmaan sa pagitan ng Iran at Israel noong Pebrero 28.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng mga Houthi na kanilang inatake ang isang barkong umano’y nagdadala ng kagamitang militar ng Saudi Arabia sa Bab el-Mandeb Strait, ngunit hindi nila pinangalanan ang naturang sasakyan.
Samantala, iniulat ng UK Maritime Trade Operations, isang ahensyang konektado sa British Navy, na may isang barkong tinamaan ng hindi pa matukoy na projectile sa nasabing kipot noong Martes.
Kinumpirma rin ng mga source mula sa Yemen Coast Guard, mga opisyal ng militar, at maritime security firm na Ambrey na naganap ang pag-atake sa barkong Tihamah noong Agosto 11.
Patuloy naman ang pagtaas ng tensyon sa mahalagang rutang pandagat ng Bab el-Mandeb Strait, isa sa mga pangunahing daanan ng pandaigdigang kalakalan sa pagitan ng Red Sea at Gulf of Aden.











