--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagsisilbing inspirasyon ngayon sa kaniyang mga kamag-aral maging sa social media ang isang 46-anyos na Ginang na nagtapos ng Senior High School sa Quirino National High School, Quirino, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Catherine Cornelio ng  Cullabo Del Sur, Burgos, Isabela sinabi niya na mula elementarya ay nakikitira siya sa kanilang mga kamag anak para lamang matustusan ang knaiyang pag-aaral hanggang sa sekondarya bago siya tumulak sa Maynila para magtrabaho bilang kasambahay.

Aniya na doon na rin niya nakilala ang kaniyang mister at dahil dito ay nahinto siya sa pag-aaral hanggang sa siya ay nagdalang tao at umuwi sa Isabela.

Sa unang anak pa lamang niya ay naisipan niyang bumalik sa eskwela subalit dahil salat sa pera ay ipinagpaliban niya ito hanggang sa siya ay tumanda ay saka lamang niya napagpasyahan na bumalik sa pag-aaral para kahit papaano ay makatulong din sa kaniyang mga anak.

--Ads--

Nais niyang makapangibang bansa bilang care giver subalit dahil requirement dito ay ang makapagtapos ng senior high school ay muli siyang nag enroll at nagbalik eskwela.

Aniya napakalaking ginhawa para sa kaniya na nagawa niyang magtapos ang pag-aaral sa senior high school sa kabila ng kaniyang pagiging ina, kahit salat sa pera at sa kabila ng mga panghuhusga mula sa ibang tao.

Hindi siya nagpatinag sa mga negatibong komento na kaniyang nakukuha sa pagsusumikap na makapagtapos ng pag-aaral.

Wala naman siyang naging problema sa pagpasok sa eskwelahan dahil naging normal naman ang trato sa kaniya ng kanyang mga kaklase na itinuring na rin niyang mga anak.

Natapos ni Cornelio ang kursong akademiko sa Accountancy, Business, and Management (ABM) at siya ay may apat na anak na pawang mga estudyante.

Nais ngayon ni Ginang Cornelio na makapagpatuloy sa pag-aaral at makapag tapos sa kolehiyo.