Tila hindi umano direktang itinanggi ni Senator Rodante Marcoleta ang alegasyong may hiniling siyang “allocables” mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang social media post ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, sinabi nito na walang malinaw na pagtanggi si Marcoleta sa umano’y ₱500 million na allocables para sa mga proyektong imprastraktura na hinihiling sa naturang ahensya. Para kay Lacson, sa halip na magbigay ng malinaw na paliwanag, tila maingay lamang ang naging pahayag ni Marcoleta.
Noong Martes, nagbigay ng privilege speech si Lacson kaugnay sa mga ebidensya at rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y flood control scam. Sa kanyang presentasyon, ipinakita ang isang sulat-kamay na tala ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral na naglalaman umano ng kahilingang ₱500 million allocables na iniuugnay kay Marcoleta.
Bilang tugon, agad ding nag-privilege speech si Marcoleta upang sagutin ang pagkakasama ng kanyang pangalan sa usapin ng flood control anomalies, ngunit hindi niya direktang pinabulaanan ang paratang.
Nilinaw naman ni Lacson na ang “allocables” mismo ay hindi ilegal, at maaari lamang maging isyu kung mapapatunayang may katiwalian sa paggamit ng pondo.











