Nasunog ang isang two-storey na bahay sa barangay San Antonio, Roxas, Isabela nitong umaga ng Biyernes.
Sa panayam kay SFO4 Edmund Lorenzo Jr., fire marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP) Roxas, sinabi nito na alas-10:02 ng umaga nang matanggap ng kanilang himpilan ang ulat kaugnay sa sunog kaya agad silang rumesponde sa lugar. Aniya, inabot lamang ng dalawa hanggang tatlong minuto bago makarating ang mga bumbero sa fire scene.
Dakong alas-10:26 ng umaga nang ideklarang under control ang sunog habang isinasagawa na ang overhauling operations at tuluyan naman itong idineklarang fire out dakong alas-10:46 ng umaga.
Ayon kay Lorenzo, residential area ang pinangyarihan ng insidente kaya agad silang nagpadala ng dalawang fire trucks mula sa Roxas Fire Station at humingi rin ng augmentation mula sa MDRRMO Roxas at San Manuel Fire Station upang agad na maagapan ang sunog lalo na at residential area ang lugar.
Kinilala naman ang may-ari ng bahay na si Mercy Teofilo na umano’y wala sa bahay nang mangyari ang sunog. Tanging si Clarence Teofilo umano ang naiwan sa bahay atayon sa imbestigasyon ay nakarinig pa ito ng tila pagputok bago mapansin ang sunog habang siya ay magpapahinga na sana.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection kung saan at paano nagsimula ang sunog.
Batay sa initial investigation, tinatayang may lawak na anim na square meters ang bahay na yari sa concrete ngunit may kahoy na kisame at slab dahilan upang mabilis pa ring kumalat ang apoy. Naging dahilan din umano ng mabilis na pagkalat nito ang mga gamit sa loob ng bahay tulad ng mga kurtina, mesa, appliances at iba pang madaling masunog na materyales.
Sa ngayon ay wala pa ring inilalabas na opisyal na halaga ng pinsala ngunit ayon sa BFP ay halos wala nang natirang kagamitan sa loob ng bahay matapos itong tuluyang tupukin ng apoy.
Samantala, inamin din ng opisyal na naging hamon sa kanilang operasyon ang mga taong nagsisiksikan sa lugar habang nagpapatuloy ang firefighting operations.
Dahil dito, hinikayat niya ang publiko na agad magbigay daan sa mga paparating na fire trucks at suportahan ang Community Fire Auxiliary Group o CFAG program ng BFP upang magkaroon ng mga trained first responders sa bawat barangay.











