Ipinagdiwang ngayong araw ng 5th Infantry Division ng Philippine Army ang kanilang ika-45 anibersaryo sa Camp Melchor F. Dela Cruz sa bayan ng Gamu, Isabela.
Layunin ng nasabing pagdiriwang na hindi lamang gunitain ang 45 taon ng serbisyo ng dibisyon, kundi higit pang palakasin ang kakayahan at kahandaan ng bawat yunit sa patuloy na nagbabagong hamon sa depensa at seguridad ng bansa.
Dinaluhan ito ng iba’t ibang partner agencies at mga lokal na opisyal, kabilang sina Isabela Governor Rodito Albano III, ilang alkalde at konsehal mula sa iba’t ibang bayan, gayundin si Acting Regional Director ng Police Regional Office 2 na si Police Brigadier General Mariano Rodriguez, kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan at kapulisan.
Pangunahing panauhing pandangal sa naturang okasyon si Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Sec. Teodoro ang kahalagahan ng matibay na ugnayan ng pamahalaan, militar, pulisya, at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Sa kabila ng mga naitalang tagumpay ng 5th ID, iginiit niya na hindi dapat magpakampante at sa halip ay lalo pang paigtingin ang mga programang magpapatatag sa seguridad at kapayapaan sa komunidad.











