Patuloy ang isinagawang pursuit operations ng 5th Infantry Division ng Philippine Army laban sa tinatayang 10 natitirang armadong miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) matapos ang magkahiwalay na engkuwentro sa Barangay Apao, Tineg, Abra.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay MGen. Gulliver L. Señires, Commander ng 5th Infantry Division, sinabi nitong nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente at dating mga rebelde hinggil sa kinaroroonan ng armadong grupo sa hangganan ng Abra at Kalinga.
Ayon kay MGen. Señires, layunin sana ng operasyon na hikayatin ang mga rebelde na magbalik-loob sa pamaha laan at makinabang sa mga programa at serbisyong inilaan para sa mga nais sumuko. Gayunman, sa halip na makipag-ugnayan sa mga sundalo ay nagpaputok umano ang mga ito dahilan upang mauwi sa engkuwentro ang operasyon.
Aniya, nagkaroon pa ng ikalawang sagupaan habang nagpapatuloy ang pagtugis sa mga armadong rebelde, at tiniyak nitong hindi titigil ang militar hangga’t hindi nahuhuli o kusang sumusuko ang mga natitirang miyembro ng grupo.
Sinabi rin ni MGen. Señires na ang 10 armadong indibidwal na kanilang hinahabol ay pinaniniwalaang huling natitirang miyembro ng ICRC matapos mahuli o mapatay sa mga naunang operasyon ang iba pang mga kasapi ng armadong grupo, kabilang ang mga miyembro ng NPA sa Kalinga.
Sa kabila nito, muling nanawagan ang opisyal sa mga rebelde na ibaba na ang kanilang mga armas at samantalahin ang pagkakataong magbalik-loob sa pamahalaan.
Ayon pa sa kanya, maaari silang sumuko anumang oras sa pamamagitan ng pagtapon ng kanilang mga armas, pagtataas ng kanilang mga kamay o puting bandila, o kaya’y sa tulong ng kanilang mga kamag-anak at lokal na pamahalaan upang matiyak ang kanilang kaligtasan at makapagsimula ng panibagong buhay.
Samantala, nagpapatuloy ang clearing at security operations ng militar sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at maiwasan ang muling paggalaw ng natitirang armadong grupo sa mga kalapit na komunidad.











