CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang 60 anyos na ginang matapos na matabunan ng gumuhong lupa sa gilid ng bundok malapit sa kanilang bukid sa Bocos, Banaue, Ifugao.
Ang biktima ay si Olivia Naddul, may-asawa, magsasaka at residente ng naturang lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nagpaalam ang biktima sa kanyang asawa na pupunta sa bukid subalit hindi na siya nakauwi sa kanilang bahay.
Naghinala ang kanyang pamilya na maaaring natabunan siya ng gumuhong lupa na nagnap sa lugar noong araw ng Lunes, April 17, 2023.
Humingi ng tulong ang pamilya sa mga otoridad at nagsagawa sila ng search and rescue operation.
Natagpuan ang katawan ni Naddul sa ilalim ng gumuhong lupa.
Posibleng lumambot ang lupa sa bundok dahil sa sunud-sunod na pag-ulan na naranasan sa nasabing bayan sa mga nakalipas na araw.