CAUAYAN CITY- Umabot na sa 60% ng mga Election Returns ang natanggap ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting mula sa Lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mother Mary Peter Camille Marasigan ng PPCRV, sinabi niya na kasalukuyan pa ang pagtanggap nila ng Election Returns mula sa iba’t ibang mga bayan sa Isabela.
Sa ngayon ay wala pa ang ER’s ng Tumauini, Cordon, Cabagan maging San Agustin, San Mariano, Benito Soliven, Palanan at Dinapigue.
Umaasa ang PPCRV na maihahatid na ang mga ER ngayong araw para matapos na nila ang scanning kasama ang NAMFREL.
Kung sakaling hindi makumpleto ang ER’s ngayong araw ay makikipag-ugnayan na sila sa Comelec Provincial Office para mapaigting ang monitoring para hindi madelay ang report sa National Office.
Samanatala, kaisa rin ang PPCRV sa mga magsasagawa ng random manual audit oras na makumpleto na nila ang Election Returns.
Nakatakda din nilang kumustahin ang nasa mahigit dalawang libong volunteers para sa evaluation sa kung ano ang naging karanasan nila sa pagbabantay sa halalan.
Sa katunayan aniya maraming mga kabataan ang nag-volunteer kahit sa pakiramdam nila ay delikado dahil sa narinig nila ang homiliya ni Bishop David William Antonio na ang lahat ay dapat may pakialam sa halalan.
Plano rin ng PPCRV na magkaroon ng mga trained volunteers para sa voter’s education hindi lamang tuwing halalan.
Samantala, sa obserbasyon ng PPCR tila naging normal na ang mga tiwaling gawain gaya ng lantaran na vote buying at vote selling ng maraming mga kandidato at botante sa kabila ng inilunsad na Komite ng Kontra bigay kaya mukhang umabot sa punto na wala nang dapat na ipagdiwang sa resulta ng halalan.
Sa katunayan aniya ay naging malaking hamon ang pagbabantay nila ngayong halalan dahil na rin sa ilang ulat na nakarating sa kanila bilang miyembro ng Kontra Bigay Committee.
Aniya, sa kanilang group chat ay maraming mga nakarating na insidente na nakuhanan ng larawan at video na ipinarating naman sa Comelec Provincial Office subalit hanggang doon na lamang aniya ito dahil maraming ordinaryong Pilipino ang hindi kayang sumugal sa kanilang ikakapahamak.











