CAUAYAN CITY- Nakatutok ngayon ang Isabela Police Provincial Office sa mga alegasyon ng Vote buying sa lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, Informatiion Officer ng Isabela Police Provincial Office, sinabi niya na wala dapat makalusot sa pagbebenta at pagbili ng boto ngayong eleksyon.
Hindi na aniya bago ang usaping vote buying at selling ngunit hindi sila magpapasindak sa mga kandidato para pagtakpan ang mga ito sa pagbili ng boto ng taumbayan kung sakali man na mayroong mapatunayang lumalabag sa election code.
Ayon pa kay PCapt. Topinio, dadaan sa tamang proseso ang trabaho ng pulisya at sakali mang mayroong maitalang vote buying ay kanila itong susuriin at idudulog sa Comelec.
Kailangan kasing matiyak muna ng pulisya ang mga detalye ng vote buying kung ito ay mayroong katotohanan dahil posible rin namang alegasyon lamang ito at paninira sa mga kandidato.
Tiniyak pa ng IPPO na makakatuwang nila ang 179 PNP personnel na naka deploy sa ibang lugar para sa augmentation.
Samanatala, aktibo narin ngayon ang Media Action Center ng Isabela Police Provincial Office na siyang mag bibigay ng real time update ngayong halalan na 24/7 na bukas para magbantay sa election.