--Ads--

Pitong indibidwal ang naaresto sa isinagawang operasyon ng Pulisya dahil sa ilegal na pagsusugal sa District 2, Cauayan City kagabi, March 23, 2026.

Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, naganap ang operasyon sa loob ng bahay ng isang yumaong residente sa nabanggit na barangay.

Ang mga naaresto ay itinago sa alyas “Dan,” 46-anyos, tricycle driver at residente ng Barangay Cabaruan; alyas “Dado,” 47-anyos, residente ng Barangay District 3; alyas “Rosie,” 69-anyos, residente ng Barangay District 2; alyas “Vicky,” 65-anyos, residente ng barangay District 1; alyas “Dani,” 60-anyos, residente ng barangay District 3, alyas “Epe,” 35-anyos, residente ng barangay Turayong; at si alyas “Arte,” 51-anyos at residente ng barangay Mabantad.

Ayon sa insiyal na pagsisiyasat, nakatanggap ng impormasyon ang Pulisya mula sa isang concerned citizen sa pamamagitan ng isang text message hinggil sa ilegal na pagsusugal ng mga suspek.

--Ads--

Agad naman itong binrepika ng mga operatiba ng intelligence unit tsaka nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na naaktuhang naglalaro ng majhong.

Isa sa mga kalaro ng mga suspek na itinago sa alyas na “Bryan” at residente ng barangay Villa Concepcion ang nakatakas matapos makatunog sa pagdating ng mga kapulisan.

Nakumpiska sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang set ng mahjong, set ng tiles, at perang nagkakahalaga ng mahigit-kumulang 4,000 pesos na pinaniniwalaang ginamit sa pagsusugal.

Dinala ang mga naarestong suspek at nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng Pulisya para sa kaukulang disposiyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o illegal gambling law.