Nakatakdang mag-isang dibdib ang 73 na magkasintahan sa Lungsod ng Cauayan sa gaganaping Kasalang Bayan ngayong araw ng Huwebes, ika-12 ng Pebrero sa F.L Dy Coliseum ganap na alas-9 ng umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Civil Registrar Officer Nerissa Serrano, sinabi niya na mayroong 73 na magkasintahan ang nagparehistro ngayong taon, mas marami kung ikukumpara noong 2025 na higit 60 lamang.
Aniya, isa sa mga inaasahang higlights sa kasalang bayan ngayong taon ay ang pakikibahagi ng senior citizen couple na nasa edad 64 at 59 na kapwa residente ng Cauayan City.
Dagdag pa niya, ang mga mag-iisang dibdib ay makatatanggap ng token, singsing, bouquet, podlock at mayroon ding inihandang pagkain ang ahensya para sa mga ikakasal.
Ngayong taon ay hindi nilimitahan ang mga pwedeng pumasok na bisita sa loob ng venue dahil mas maganda aniya na ma-witness din ng mga kamag-anak, ninong at ninang ang kasal.
Inaasahan ng ahensya na kumpleto ang 73 na pares ng mag-iisang dibdib sa kabila ng tangkang pag-atra ng ilan dahil sa health problems.
Ang kasalang bayan ay taun-taong isinasagawa sa Lungsod tuwing buwan ng Pebrero na bahagi ng aktibidad sa Civil Registration Month na dinadaluhan ng mga City Officials at kawani ng Provincial Office ng PSA.







