--Ads--

Ibinasura ng Korte Suprema ang hiling ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na Temporary Restraining Order (TRO) upang pansamantalang pigilan ang pagpapatupad ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.

Sa botong 9-5-1, pinagtibay ng mga mahistrado na walang sapat na batayan upang agad na ipatupad ang TRO. Nilinaw ng Korte na ang desisyon ay tumutukoy lamang sa hiling na pansamantalang proteksyon, at hindi pa sa pangunahing petisyon na kumukuwestiyon sa bisa ng ICC warrant sa bansa.


Binigyang-diin ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa na hindi dapat maging “agarang kanlungan ng mga makapangyarihan” ang Korte, habang nananatiling pangako ang hustisya para sa mga biktima.


Iginiit naman ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting na kung ang pangunahing tanong ay kung maaari bang ipatupad sa Pilipinas ang ICC warrant nang walang hiwalay na proseso mula sa lokal na korte, dapat hindi muna ito ipatupad hangga’t hindi pa nasasagot ng Korte Suprema ang naturang isyu. Aniya, kung maaresto at maisuko na si Sen. Dela Rosa sa ICC bago pa makapagpasya ang Korte, posibleng mawalan ng saysay ang main petition.

--Ads--

Matatandaan na ang ICC arrest warrant laban kay Sen. Dela Rosa ay kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa war on drugs. Ang hiling ng senador na TRO ay layong pigilan ang agarang pagpapatupad nito habang nakabinbin pa ang kanyang petisyon sa Korte Suprema.