--Ads--

Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na maglabas ng precautionary hold departure order laban kina Senador Rodante Marcoleta, dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, at dalawang negosyante kaugnay ng umano’y P75 million campaign donation para sa kandidatura ni Marcoleta sa 2025 elections.

Batay sa rekomendasyon ng mga field investigator ng Ombudsman, dapat umanong sampahan ng kasong plunder at indirect bribery sina Marcoleta, Defensor, negosyanteng si Joseph Varias Espiritu, at Aristotle Baluyut Viray.

Ayon sa mga imbestigador, tinanggap umano ni Marcoleta ang kabuuang P75 million campaign donations sa tatlong magkakahiwalay na araw, na maituturing na “gift” na posibleng pumasok sa kasong plunder sa ilalim ng anti-graft laws.

Nabatid na naisumite na sa Seventh Division ng Sandiganbayan ang kahilingan ng Ombudsman nitong Lunes, Mayo 25.

--Ads--

Gayunpaman, wala pang inilalabas na pinal na resolusyon ang Office of the Ombudsman upang aprubahan ang pormal na pagsasampa ng mga kaso laban sa mga respondent.

Samantala, itinanggi ni Marcoleta ang mga alegasyon sa kanyang privilege speech nitong Lunes. Ayon sa senador, politically motivated umano ang mga reklamong isinampa laban sa kanya at tila may pagtatangkang baluktutin ang batas.

Wala pa namang opisyal na pahayag sina Defensor, Espiritu, at Viray hinggil sa naturang isyu.