--Ads--

Nagsampa ng pormal na kaso ang Department of Trade and Industry o DTI laban sa walong malalaking contractor-licensees na umano’y sangkot sa mga iregularidad sa flood control projects at posibleng lumabag sa mga regulasyon ng industriya ng konstruksyon.

Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ay ang mga sumusunod:

  1. Legacy Construction Corp.
  2. Centerways Construction & Development, Inc.
  3. Alpha & Omega General Contractor & Development Corp.
  4. MG Samidan Construction
  5. L.R. Tiqui Builders, Inc.
  6. QM Builders
  7. EGB Construction Corporation
  8. Hi-Tone Construction and Development Corp.

Ang Legacy Construction, Alpha & Omega, at EGB Construction Corp. ay kabilang sa mga kumpanyang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang huling State of the Nation Address o SONA na nakakuha ng pinakamaraming flood control projects sa halos lahat ng rehiyon sa bansa.

Ayon sa DTI, ang pagsasampa ng kaso ay nagbibigay pahintulot sa ahensya na magsagawa ng mga agarang hakbang, kabilang ang pansamantalang suspensyon ng lisensya ng mga nasabing kumpanya at iba pang kinakailangang aksyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at upang matiyak na naipatutupad ang batas at napangangalagaan ang interes ng publiko.

--Ads--

Binigyang-diin ni Trade Secretary Cristina A. Roque na ang hakbang na ito ay nagpapakita ng strong commitment ng pamahalaan para sa patas, tapat, at may integridad sa construction sector.

Dagdag pa nito na hndi papayagan ng DTI ang sinumang kontraktor na isakripisyo ang kaligtasan at kalidad ng mga infrastructure.

Bawat proyekto aniya ay dapat na sumailalim sa competence, honesty, at dapat na nakasunod sa pamantayan ng pamahalaan.