CAUAYAN CITY– Pinabulaanan ng Fortunato Camos Command ng New People’s Army (NPA) Cagayan Valley ang paratang na mga rebelde ang sumunog sa mga bahagi ng Vote Counting Machines (VCM) at mga balota sa Jones, Isabela.
Sa pamamagitan ng tagapagpahayag ng Fortunato Camos Command ng NPA Cagayan Valley na si Guillermo Alcala ay binatikos nila ang paratang agad sa kanila ni PNP Chief Oscar Albayalde nang walang masusing imbestigasyon upang pagtakpan nila ang umanoy kapabayaan ng mga otoridad.
Sa ipinalabas na statement ng mga rebelde, iginiit nila na bagamat hindi sila naniniwala sa eleksiyon bilang paraan upang makamit ang pagbabago ng lipunan ay iginagalang nila ang desisyon ng mga mamamayang bumoto.
Ito ang dahilan aniya kung bakit hindi sila nagsasagawa ng anumang hakbang na makakasira sa boto ng mga mamamayan.