Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 129 na pansamantalang magtataas sa Minimum Access Volume (MAV) ng importasyon ng mais sa kabuuang 500,000 metric tons.
Layunin ng hakbang na tugunan ang kakulangan sa dilaw na mais na pangunahing sangkap sa paggawa ng feeds, kasunod ng mababang ani at banta ng masamang panahon.
Inaasahang makatutulong ang dagdag na suplay upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga feed manufacturer at livestock raiser, gayundin upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo ng feeds na maaaring makaapekto sa presyo ng karne.
Inatasan naman ang MAV Management Committee na bumuo ng mga alituntunin sa loob ng 30 araw mula sa pagpapatupad ng kautusan, kabilang ang patas na mekanismo sa pamamahagi ng importasyon para sa mga lehitimong sektor.











