--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang magkaibigang lalaki matapos sumabit sa nakalaylay na kawad ng koryente ang sinasakyan nilang motorsiklo dakong alas diyes kagabi saPatul, Santiago City.

Ang mga biktima ay sina Russell Tyrell Pascaran, 18 anyos, construction worker at kaibigan na si Jerome Abelgas, 21 anyos, fish vendor, kapwa residente ng Plaridel Santiago City.

Hindi agad nakilala ang mga biktima dahil wala silang dalang anumang pagkakilanlan sa kanila.

Sinabi ni Racquel Pascaran na nagtungo na ang kanyang mga magulang sa punerarya kung saan dinala ang bangkay ng kanyang kapatid at kanyang kasamang nakoryente.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Col Melchor Arreola, Information Officer ng Santiago City Police Office (SCPO), sinabi niya na pumulupot sa gulong ng motorsiklo ang naputol na kawad ng koryente na nadaanan nila kaya nawalan sila ng balanse at natumba.

Matapos matumba ang motorsiklo ay nakoryente ang mga biktima sa kawad ng koryente na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Natagpuan din sa lugar ng mga tumugon na pulis ang dala ng mga biktima na noodles, sardinas at bote ng alak.Ang tinig ni PLt Col Melchor Arreola

Ang tinig ni Plt Col Melchor Arreola

Sinabi ni PLt Col Arreola na aalamin nila kung totoo ang sinabi ng ilang opisyal ng barangay Patul na ipinabatid na nila sa Isabela Electric Cooperative (Iselco I) ang tungkol sa naputol na kawad ng koryente bago nangyari ang pagka-koryente ng dalawang sakay ng motorsiklo.

Sinabi ng mga tao sa lugar na dakong alas sais kagabi ay malakas ang hangin doon na dahilan ng pagkaputol ng kawad ng koryente.

With reports from Bombo Gleniel Agonias

Photo credit: Redentor Ramirez