--Ads--

CAUAYAN CITY – Dalawa ang patay, isa ang nasugatan matapos mabangga kaninang umaga ng isang Florida Bus ang kasalubong na tricycle matapos lampasan ang sinusundang sasakyan sa national highway sa Guibang, Gamu, Isabela.

Ang mga namatay ay ang driver ng tricycle na si Eric Bagauisan at sakay na si Jhong Madayag, kapwa residente ng Guibang, Gamu, Isabela.

Nasugatan ang isa pang sakay na si Renante Gallato na dinala sa pinakamalapit na ospital para malapatan ng lunas.

Ang driver ng Florida Bus na may plakang UVQ 680 ay si Rohmar Agcaoili, residente ng Bangan, Sanchez Mira, Cagayan.

--Ads--

Lumabas sa imbestigasyon ng Gamu Police Station na binabagtas ng dalawang sasakyan ang magkasalungat na direksiyon.

Patungong direksiyon ng Naguilian, Isabela ang bus habang ang tricycle ay patungong Junction Upi sa Gamu, Isabela.

Nilampasan ng bus ang sinusundang sasakyan ngunit nabangga ang kasalubong na tricyle.

Nakaladkad ang tricycle na siyang dahilan ng pagtamo ng malubhang sugat ng mga sakay nito.