--Ads--

CAUAYAN CITY – Dalawa ang patay, dalawa ang nasugatan sa bangaan ng tatlong sasakyan kaninang madaling araw sa national highway sa Tarinsing, Cordon, Isabela.

Patay ang tsuper ng tricycle na si Marconi Ramos, 48 anyos, residente ng San Antonio, Diffun, Quirino at kanyang sakay matapos silang mabangga ng paparating na Victory Liner sa kanilang pagtawid sa daan.

Nasugatan naman ang tsuper ng paparating na motorsiklo na bumangga sa tricycle na si Arwel Alpecho, 25 anyos at angkas na si Diana Rose Canlas, 24 anyos, self employed, kapwa residente ng Dubinan West, Santiago City.

Ang driver ng bus ay si Christopher Aggarao, 40 anyos, may-asawa, tsuper ng bus at residente ng Lunsod ng Ilagan.

--Ads--

Lumabas sa imbestigasyon ng Cordon Police Station na binabagtas ng bus ang national highway patungong Lunsod ng Tuguegarao ngunit nang makarating sa daan sa harapan ng isang Videoke bar sa Tarinsing, Cordon ay nabangga ang biglang tumawid na Honda TMX 155 tricycle na minamaneho ni Ramos.

Ang tricycle ay nabangga naman ng motorsiklo na patungong Condon, Isabela mula sa Lunsod ng Santiago.

Nasugatan ang tsuper na si Alpecho at angkas na si Canlas.

Agad na isinugod sa ospital ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival si Marconi Ramos at pasahero na hindi pa nakikilala.