--Ads--

CAUAYAN CITY – Overloading ang tinitingnang dahilan ng mga otoridad sa pagtaob ng isang bangka sa Addalam River sa San Leonardo, Aglipay, Quirino na nagbunga ng pagkamatay ng isang binata habang tatlo ang nakaligtas.

Ang namatay ay si Johnny Orate, 31 anyos, habang nakaligtas ang kasamang si Elizabeth Orate, 48 anyos, kapwa residente ng Magsaysay, Saguday, Quirino.

Nakaligtas din ang magkasamang sina Ramon Butic at Julius Bungtayonon, 17 anyos, estudiyante, kapwa residente ng San Manuel, Aglipay, Quirino.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt William Agpalza, hepe ng Aglipay Police Station na dakong 3:30pm kahapon nang sumakay sa bangka ang mga biktima para sa pagtawid nila sa kabila ng ilog.

--Ads--

Gayunman, habang sila ay nasa kagitnaan ng ilog ay tumaob ang bangka.

Agad na sumaklolo ang mga tao na nakakita sa pagtaob ng bangka at nailigtas ang tatlo ngunit nabigo sila na mailigtas ang biktima na si Johnny Orate.

Natagpuan ang kanyang bangkay dakong 5:25pm kahapon ng mga rescue team at kasapi ng Aglipay Police Station.

Nakisakay lamang umano si Orate na may pupuntahan na kamag-anak sa kabila ng ilog.

Ang tinig ni PCapt William Agpalza