--Ads--

CAUAYAN CITY – Handang harapin ng pamunuan ng Cauayan City Police Station sakaling magkaroon ng pagdududa at magreklamo ang pamilya ng napatay na lalaki matapos umanong manlaban nang lapitan ng mga pulis habang tinatanggal kaninang madaling araw daan sa Nagrumbuan, Cauayan City ang temporary plate number ng tinangay na motorsiklo.

Ang napatay ay si Noel Guzman, 27 anyos na unang inihayag na residente ng Ugac Sur, Tuguegarao City ngunit sinabi ng intelligence community na taga-Enrile, Cagayan.

Nasamsaman si Guzman ng isang baril at dalawang sachet ng hinihinalang shabu na nakuha sa bulsa ng kanyang pantalon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt Col. Gerald Gamboa, hepe ng Cauayan City Police Station, na una silang nakatanggap ng sumbong mula kay Armand Madriaga, 42 anyos, self-employed at residente ng Research, Minante 1, Cauayan City hinggil sa pagtangay sa minamanehong Yamaha Sniper 150.

--Ads--

Pauwi na umano si Madriada dakong alas dose ng hatinggabi nang siya ay harangin ng suspek, tinutukan ng baril at tinangay ang kanyang motorsiklo.

Sa pagpapatrulya ng mga pulis sa Nagrumbuan, Cauayan City ay nakita si Guzman sa gilid ng daan na tinatanggal ang temporary plate ng isang Yamaha motorcycle.

Nang sitahin ng mga pulis ay binunot umano ni Guzman ang baril sa kanyang baywang at nagpaputok ngunit agad na nakaganti ang mga kasapi ng Cauayan City Police Station.

Nagtamo ng tama ng bala sa katawan ang suspek na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Ayon kay PLt Col Gamboa, nakilala si Guzman sa pamamagitan ng ID na nakuha sa kanya.

Lumabas sa kanilang pagtatanong sa intelligence community na may record sa illegal na droga ang suspek at s katunayan ay kabilang siya sa DI list.

Maaari aniyang konektado sa illegal drugs ang kanyang motornapping activity.

Binigyang-diin ni Plt Col Gamboa na sanay na sila sa mga pagdududa kapag may napatay sa kanilang operasyon.

Iginiit niya na ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin.

Ang tinig ni PLt Col. Gerald Gamboa, hepe ng Cauayan City Police Station