CAUAYAN CITY– Tinupok ng apoy ang isang bahay sa Sto. Nino Subdivision sa Cabaruan, Cauayan City.
Ang natupok na bahay ay yari sa kalahating kongkreto at kalahating kawayan na may luwang na 40 square meters na pag-aari ni Gng. Flory Butac.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Butac sinabi niya na nag-aani sila sa barangay Buyon, Cauayan City nang maganap ang sunog.
Aniya, kakarating ng kanyang mister na galing ng trabaho nang tumawag sa kanila ang kanilang kapitbahay sa subdivision at sinabing nasusunog ang kanilang bahay.
Ayon kay Gng. Butac, nakatira sila sa nasunog nilang bahay tuwing araw ng Lunes hanggang Biyernes dahil nag-aaral sa Cauayan City ang kanyang mga pamangkin habang siya ay nag-aaral din nanman ng care giving.
Bago umano sila umuuwi sa barangay Buyon, Cauayan City ay siniguro nilang naalis ang lahat ng mga appliances na nakasaksak.
Pinabulaanan ni Gng. Butac ang ulat ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City na nagmula ang sunog sa nakasaksak na plantsa dahil tiniyak umano ng kanyang pamangkin na naalis sa saksakan ang kanilang plantsa.
Nawagan siya ng tulong sa mga opisyal dahil walang nailigtas na gamit sa loob ng kanilang bahay.
Nangako naman ang pamunuan ng Barangay Cabaruan, Cauayan City na magbibigay sila ng paunang tulong tulad ng mga pagkain sa pamilya Butac.





