--Ads--

Nanawagan ang Sangguniang Bayan ng Kasibu, Nueva Vizcaya sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Department of Environment and Natural Resources o DENR na bawiin ang exploration permit na ipinagkaloob sa North Luzon Mineral Resources Corporation o NLMRC dahil sa umano’y negatibong epekto nito sa pagkakaisa ng komunidad, kapayapaan, at kaayusan sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Councilor Anthony Glenn D. Guingayan, inilahad nito ang Municipal Resolution Number 542, Series of 2026, na naglalayong ipawalang-bisa ang exploration permit ng naturang kumpanya.

Saklaw ng nasabing permit ang humigit-kumulang 4,455.99 ektaryang lupain sa walong barangay ng Kasibu, kabilang ang Siguem, Muta, Paquet, Dine, Catarawan, Biyoy, Pao, at Kakiduguen.

Ayon sa kanya, nagdulot umano ng pagkakahati-hati sa mga residente, tensiyon, at pagkagambala sa kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad ang mga aktibidad na may kaugnayan sa eksplorasyon.

--Ads--

Binigyang-diin ng konsehal na mahalaga ang pagkakaisa at mapayapang ugnayan ng mga residente sa pagsusulong ng kaunlaran, kaya kinakailangang tugunan ang mga aktibidad na umano’y nakaaapekto sa panlipunang kaayusan ng mga apektadong barangay.

Samantala, naghain si Guingayan ng mosyon para sa pagpasa ng resolusyon na inaprubahan ng konseho at ipinadala sa MGB, DENR, mga lokal na opisyal, grupong pabor at tutol sa pagmimina, at iba pang kinauukulang ahensiya para sa kaukulang aksiyon.