--Ads--

CAUAYAN CITY – Maaari nang magpalista sa kanilang munisipyo ang mga magsasaka sa Isabela na may tinataniman na dalawang ektarya pababa para maging miyembro ng Super Cooperative na binuo ng pamahalaang panlalawigan.

Pangunahing layunin ng Nagkaisang mga Magsasaka sa Isabela Cooperative na matulungan ang mga magsasaka sa gitna ng pagbaba ng presyo ng palay dahil sa epekto ng Rice Tarrification Law.

Magpapautang ang Landbank ng 500 million para gagamiting pondo ng super cooperative sa pagbili ng aning palay ng mga marginalized famers.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano sinabi niya na ang namamahala sa Super Cooperative ay si dating Congresswoman Ana Cristina Go.

--Ads--

Sinabi ng punong lalawigan na bawat bayan at lunsod sa Isabela ay 200 ang kukuning maging miyembro ng kooperatiba.

Ang hindi makabuo ng 200 ay ibibigay sa ibang bayan ang natitirang slot.

Ayon kay Gov. Albano, sa pagsisimula ang kooperatiba ay 6,000 hanggang 7,000 ang target nilang maging miyembro nito.

Ang mga magsasaka na may tinataniman na palay na dalawang ektarya pababa ay magtungo lamang sa kanilang Municipal Agriculture Office (MAO) at ipalista ang kanilang mga pangalan.

Sa bawat magsasaka ay 80 na kaban ng palay ang bibilhin ng kooperatiba.

Pinaalalahanan ni Governor Albano ang mga magsasaka na may isang Php 1,000 na membership fee kapag nagpalista.

Ayon pa kay Governor Albano, tuloy pa rin ang ibinibigay ng pamahalaang panlalawigan na tatlong piso na ayuda sa presyo ng pagbili ng palay ng National Food Authority (NFA) at ang magiging miyembro ng kooperatiba ay maaaring makinabang din sa ayuda.

Ang tinig ni Gov. Rodito Albano

Matatandaang pagkatapos ng pagpapakilala sa kooperatiba ay nag-iikot na ang mga pinuno nito sa mga bayan at lunsod sa Isabela para ipaliwanag ang set up ng kooperatiba.

Hinihikayat nila ang magsasaka na sumailalim sa seminar tungkol sa kooperatiba bago sila maging miyembro.