CAUAYAN CITY – Humihingi ng tulong ang may-ari ng bahay na tinupok ng apoy sa Banna Uy Street, District 1, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Alma Rivera, ang may-ari ng bahay, sinabi niya na labis ang kanyang panlulumo dahil hindi niya alam kung paano sila mag-uumpisa lalo na’t walang naisalba sa kanilang mga kagamitan.
Nag-aalala siya kung paano na ang pag-aaral ng kanyang tatlong anak matapos masunog ang kanilang bahay.
Naniniwala ang ginang na hindi sa kanilang mga appliances nagmula ang apoy dahil tinatanggal nila ito kapag umaalis sila sa kanilang bahay.
Samantala, inihayag ni Barangay Kagawad Mark De Hoya ng District 1, Cauayan City na nagbigay siya ng paunang tulong para sa pamilya Rivera.
Magso-solicit sila sa kanilang mga kabarangay na nais magbigay ng tulong sa mga pamilya.
Tutulungan ng pamahalaang barangay ang mga biktima upang mailapit sa mga tanggapan ng pamahalaang lunsod na maaaring makapagbigay pa ng karagdagang tulong pinansiyal tulad ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Inihayag naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City na nagmula ang sunog sa naputol na dropwire patungo sa bahay ng pamilya.