--Ads--

CAUAYAN CITY – Ibinunyag ng Philippine Army na napigilan nila ang binalak na pag-atake ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) noong Pebrero 2019 sa Bio-ethanol Plant sa San Mariano, Isabela.

Inilahad ito ng militar sa nakalipas na pagpupulong ng mga ahensya ng pamahalaan sa nasabing bayan na dinaluhan ng mga ospiyal ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Gladius Calilan, commanding officer ng 95th Infantry Battalion Philippine Army, sinabi niya na dahil sa kanilang mahigpit na monitoring ay nakagawa sila ng hakbang para mapigilan ang planong pag-atake sa nasabing planta na nagpoproseso ng mga tubo para gawing bio-ethanol.

Nanggaling ang impormasyon sa mga dating miyembro ng NPA na sumuko para magbagong buhay gayundin sa mga dating Militia ng Bayan at mga dating sumusuporta sa kanila.

--Ads--

Ayon kay Lt. Col. Calilan, hindi lamang ang mga regular na miyembro ng NPA ang aatake sana kundi gagamitin nila ang mga Militia ng Bayan.

Ang nakikita aniya nilang rason kung bakit binalak ang pagsalakay ay dahil nakapagbibigay ng trabaho ang bio-ethanol plant sa mga mamamayan.

Gusto nilang patuloy na maghirap ang mga mamamayan para madali nilang mahikayat na umanib sa kanila.

Ang tinig ni Lt. Col Gladius Calilan