--Ads--

CAUAYAN CITY – Inamin ng dating political officer ng New People’s Army (NPA) na nagsasagawa ang grupo ng recruitment sa mga estudiyante sa ilang kolehiyo at pamantasan sa bansa.

Ito ang inamin ni Alyas Lola, dating political officer ng NPA sa kanyang pagsasalita sa Campus Peace Development Forum na ginanap sa Isabela State  University (ISU) Cauayan City campus na pinangunahan ng mga opisyal ng 5th Infantry Division Philippine Army, Tactical Operations Group 2 ng Philippine Airforce, Cauayan City Police Station at iba pang sangay ng pamahalaan at dinaluhan ng mga opisyal at mga estudiyante ng unibersidad.  

Inamin ni Alyas Lola na  noong miyembro pa siya ng Revolutionary Proletarian Army (RPA) na mayroon silang  pinasabog na tulay   at nagsagawa sila ng recruitment sa mga school campuses.

Nakatalaga siya noon sa Bicol Region at trabaho niya na kapag may nalalagas sa kanilang hanay ay kinakailangan niyang iganti.

--Ads--

Binanggit din niya ang pangalan ng mga estudiyante na sumapi sa NPA at napatay sa mga sagupaan sa Isabela.

Sinabi niya na nakikisakay sila  sa political at economic issues para madali silang makapag-recruit ng mga estudiyante na sumapi sa kanila.

Binatikos ni Alyas Lola ang mga partylist na front ng  NPA tulad ng Kabataan, Makabayan at Bayan Muna.

Wala anyang naitutulong ang mga ito sa mga kabataan pangunahin na sa ikabubuti ng mga paaralan.

Nagbalik-loob siya sa pamahalaan matapos namulat at hindi na naniniwala sa kanilang ipinaglalaban.

Si Alyas Lola ay kinausap ni Senador Ronald dela Rosa na magsalita sa naging pagdinig ng Senado hinggil sa mga nawawalang kabataan na umanoy nirecruit ng mga kasapi ng NPA.

Nanawagan din siya sa mga rebelde na nais na magbalik-loob sa pamahalaan na sumuko na.

Ang tinig ni Alyas Lola

Samantala, sa  panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni  Asst. Professor 4 Ronnie Boy Blas, Chief ng Office of the Student’s Affairs and Services ng ISU Cauayan City Campus na ang Campus Peace Development Forum ng 5th ID ay malaking tulong sa mga mag-aaral upang mabuksan ang kanilang isipan at hindi maligaw ng landas.

Matutulungan din ang mga estudiyante na mag-focus sa kanilang pag-aaral at hindi mahimok na sumapi sa grupong makakagulo sa kanilang pag-aaral.

Sa ngayon aniya ay wala silang alam na recruitment na nagaganap  sa ISU Cauayan Campus.

Naniniwala siya na hindi pa hinog ang mga estudyante para malaman ang paraan ng mga NPA na maglecture kayat malaking tulong ang isinagawang   Campus Peace Development Forum ng  5th ID sa mga mag-aaral.

Ang tinig ni Prof. Ronnie Boy Blas