--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling nagsama-sama ang mga dating miyembro ng Cordillera People’s Liberation Army (CPLA) na na-integrate sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at nadestino sa ibat ibang panig ng bansa.

Ito ang isa sa mga tampok na aktibidad sa National Peace Consciousness Month Celebration na ginanap sa 5th Infantry Division Philippine Army sa Upi, Gamu, isabela.

Ito ay pinangunahan nina Brig Gen. Pablo Lorenzo, commander ng 5th ID at Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity Carlito Galvez Jr.

Isinagawa rin ang wreath laying o pag-aalay ng mga bulaklak  bilang pagpupugay sa mga sundalo na nagbuwis ng buhay para sa bayan.

--Ads--

Isinagawa rin pagpapasinaya ang Northern  Troopers Memorial sa loob ng Camp Melchor Dela Cruz.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Major Noriel Tayaban, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, sinabi niya na  layunin ng  pagdiriwang na mapalakas ang pagsusulong ng kayapaan sa bansa.

Kasabay nito ang pagdiriwang ng ika-33 na anibersaryo  ng 1986 cessation of hostilities ng pamahalaan at CPLA.

Nilagdaan noong 1986 pagitan ng pamahalaan at CPLA ang kasunduan para labanan ang mga kasapi ng NPA sa Cordillera.

Sa mahigit 1,000 na sundalo mula sa Cordillera Administrative Region, halos kalahati nito ay mga integrees mula sa CPLA.

Samantala, sa naging pagsasalita ni kalihim Galvez, binigyang diin niya na maliban sa pagpunta niya sa nasasakupan ng 5th ID bilang panauhin ay nag-iikot din siya sa buong bansa para kumustahin ang development ng Executive Order No. 70 o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Maliban dito ay naka-focus din sila sa pakikiisa ng bawat Local Government Unit (LGU) sa buong bansa at ang sinumang hindi tatalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte pangunahin na sa usapang kapayapaan ay may kalalagyan.

Isa rin sa napag-usapan ang pagdedeklara ng persona non-grata ng mga LGUs sa mga  CPP-NPA-NDF.

Ayon pa kay kalihim Galvez, ipinauubaya na niya kay Maj.Gen. Lorenzo kung ano ang magiging hakbang sa pagmamatigas ng ilang LGUs na ideklerang  persona non-grata ang mga rebelde sa kanilang bayan.

Dagdag pa ni Galvez, huwag magpadala sa banta ng mga komunistang rebelde dahil ang kailangan sa kasalukuyan ay malasakit at tapang upang wakasan na ang paghadlang ng mga rebeldeng grupo sa pag-unlad ng bansa.

Aniya, ang pagpasa ng isang resolusyon na magdedeklara na persona non-grata ang NPA ay malakas na mensahe ng pagkakaisa laban sa mga rebelde.