--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagtulung-tulong na ang mga magulang, Local Government Unit (LGU) Itbayat at Department of Education (DepEd) Batanes para makapagpatayo ng  pansamantalang paaralan ng mga estudyante sa sekundarya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Eduardo Escorpiso, Schools Division Superintendent ng  DepEd-Batanes, sinabi niya na pangunahin nilang pinagtutuunan ng pansin ang mga mag-aaral sa sekundarya dahil sila ang nananatili sa mga tent na ibinigay ng pamahalaan para gamiting pansamantala nilang learning facilities.

Hindi aniya ito maganda na gamitin sa ngayon dahil sa madalas na pag-ulan at malakas na hangin na nararanasan sa lalawigan.

Ito ang isang dahilan kung bakit hindi  nakakapag-focus sa pag-aaral ang mga estudiyante.

--Ads--

Gayunman, may ginagawang hakbang  ang LGU at DepEd-Batanes para mabigyan ng solusyon.

Nagtulung-tulong ang mga magulang para mag-ambag ng poste habang ang pamahalaang panlalawigan at LGU ang magbabayad ng labor.

Ayon pa kay Dr. Escorpiso, naglaan na ang DepEd-Batanes ng higit Php 700,000 na pambili ng yero na gagamitin sa pansamantalang ipapatayong paaralan ng mga estudyante habang hinihintay nila ang ipapatayong bagong gusali.

Nakabili na rin  sila ng mga gamit subalit ang problema nila sa ngayon ay ang pagdala sa Itbayat mula sa Basco, Batanes dahil sa sama ng panahon.

Ang tinig ni Dr. Eduardo Escorpiso ng DepEd Batanes