CAUAYAN CITY– Itinuturing ng maybahay ng pulis na nasawi ang kanyang mister bilang bayani makaraang mamatay sa pagganap sa tungkulin bilang alagad ng batas makaraang tugisin ang mga holdaper sa Ramon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Gng. Michelle Gumarang, 22 anyos, maybahay ng napatay na si Police Staff Sgt. Richard Gumarang, 39 anyos na mananatiling bayani ang kanyang mister dahil namatay sa pagganap sa kanyang tungkulin.
Ayon kay Ginang Gumarang, may 16 anyos na anak si Staff Sgt. Gumarang sa unang asawa habang mayroon silang isang lalaking anak na 8 anyos.
Naging emosyunal si Gng. Gumarang dahil sa buwan sana ng Oktobre ay ipagdiriwang nila ang kanilang 9th wedding anniversary.
Sinabi niya na sa ngayon ay hindi niya matanggap ang pagkamatay ng kanyang asawa ngunit sa una pa lamang ay alam na niyang mapanganib ang buhay ng isang pulis dahil sa operasyon na kanilang isinasagawa.
Ayon kay Gng. Gumarang, huli niyang nakaugnayan ang asawa sa pamamagitan ng chat ilang oras lamang bago ang naganap na engkuwentro.
Napag-usapan anya nila ang kanyang cellphone na nagkakaroon ng problema sa signal at nangakong aayusin kapag umuwi sa Rizal Kalinga.
Samantala, nakipag-ugnayan na si Brig. General Jose Mario Espino, Regional Director ng Police Regional Office 2 kay Ginang Gumarang ukol sa pagsasaayos sa labi ni Police Staff Sgt. Richard Gumarang at napagkasunduang dadalhin muna sa Isabela Police Provincial Office sa Ilagan City bago iuwi sa Rizal, Kalinga.