--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DoH) region 2 na negatibo sa polio virus ang 12 na bata na kanilang minonitor .

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Llexter Guzman, Health Education and Promotion Officer ng DOH region 2, sinabi niya na pawang negatibo sa pagsusuri ang kanilang mga tinutukan sa buong rehiyon.

Matapos na mag-negatibo ang 12 bata ay patuloy ang ginagawang routine immunization ng DoH region 2 bilang paghahanda dahil sa nagbabantang pagbabalik ng sakit na polio matapos na maitala ang unang kaso sa Lanao Del sur.

Pinag-aaralan ng DOH region 2 ang pagbuo ng response immunization team upang makontrol ang nakaambang pagkalat ng polio virus.

--Ads--

Mag-iikot ang mga health workers sa mga barangay sa rehiyon dos at babakunahan ang mga hindi pa nabakunahang bata kontra sa sakit na polio habang bibigyan ng booster shots ang mga bata na nabakunahan na.

Ayon kay Ginoong Guzman, dalawang klase ng bakuna ang ibinibigay sa mga bata kontra polio.

Kabilang dito ang Oral Polio Vaccine (OPV) sa mga sanggol na 6, 10 at 14 weeks old habang ang Inactivate Polio Vaccine (IPV) ay ibinibigay sa mga batang 14 weeks old kasabay ng huling dosage ng OPV.

Ang tinig ni Ginoong Llexter Guzman ng DOH region 2