--Ads--

CAUAYAN CITY – Ginawaran ng Philippine National Police PNP) ng  Heroism Medal ang isang pulis na nagbuwis ng buhay sa naganap na manhunt operation laban sa 4 na holdaper na tumakas matapos ang panghoholdap sa Tuguegarao City noong tanghali ng September 20, 2019.  

Si PSSg Richard Gumarang ng Ramon Police Station sa Ramon, Isabela ay ginawaran ng posthumous award na Medalya ng Kadakilaan ni  PBrig Gen Jose Mario Espino, Regional Director ng Police Regional Office (PRO2).

Ang parangal ay tinanggap ng biyuda ng bayaning pulis na si Mrs. Michelle Gumarang.

Kinilala ang kagitingang ipinamalas ni Gumarang sa pagtupad sa kanyang sinumpaang tungkulin sa naganap na shootout o pakikipagpalitan ng putok sa mga holdaper sa palayan sa San Miguel, Ramon, Isabela noong September 20, 2019.

--Ads--

Ito ay nagbunga ng kamatayan ng 2 sa apat na holdaper na sina Kristobal Cristobal ng Alaminos City, Pangasinan, lider ng grupo at Alden Francis Regodique ng San Juan, Ilocos Sur.

Bukod sa posthumous award, ang naulilang pamilya ni  PSSg Gumarang ay tatanggap ng death benefits na kinabibilangan ng P250,000.00 mula sa President’s Social Fund; mula P141,000.00 hanggang  P181,000.00  bilang Special Financial Assistance (SFA) mula sa  PNP; burial benefits na  P50,000.00 at  P200,000.00 gratuity mula sa  National Police Commission (Napolcom).