--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakikiisa ang ilang miyembro ng PISTON Cagayan Valley sa nationwide transport strike ngayong araw upang tutulan ang maraming requirements at mahal na presyo ng mga modernong jeep para sa pagpapatupad sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization program.

Tampok na aktibidad ng PISTON Cagayan Valley ngayong araw ang caravan ng mga jeepney driver at operators association at ang programa na isasagawa nila sa terminal ng jeep sa Santiago City para ihayag ang kanilang mga hinaing.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi Ginoong Nelson Escalante, Secretary General ng PISTON Cagayan Valley na aabot sa 100 na miyembro ng PISTON sa Santiago City at iba pang karatig na bayan ang nagpahayag ng kanilang pakikiisa.

Nilinaw niya na bagamat may pagkilos ang kanilang asosasyon ay hindi ito nangangahulugang tutol sila sa jeepney modernization program ng pamahalaan .

--Ads--

Ang idinadaing nila ay ang maraming requirements at ang mahal na halaga ng modernong jeep na umaabot sa 2.4 hanggang 2.9 million pesos.

Iginiit ni Ginoong Escalante na hindi para sa mga jeepney drivers at operators ang modernization program kundi para pagkakitaan ng pamahalaan at mga malalaking kompanya.

Aniya, hindi sang-ayon ang pamahalaan sa kanilang mungkahi na i-remodel ang kanilang mga jeep dahil umaabot lamang sa Php 590,000 ang kanilang gagastusin dahil nais ng pamahalaan na bilhin sa ibang bansa ang modernong jeep na nagkakahalaga ng hanggang 2.9 million pesos.

Inihalintulad ni Ginoong Escalante ang PUV Modernization Program sa Train Law at Rice Tariffication Law na pahirap sa taumbayan.

Igigiit nila sa kanilang kilos protesta na magkaroon ng pangmasa at tunay na PUV Modernization Program.