--Ads--

CAUAYAN CITY –  Bumuhos ang mga pakikiramay sa pamilya Uy sa pagpanaw ni Cauayan City Councilor Rene Uy dahil sa kanyang karamdaman.

Bilang pagdadalamhati at pakikiramay ay inilagay sa half-mast ang bandila sa Cauayan City Hall.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni City Administrator Jose Abad na malaking kawalan sa pamahalaang lunsod ang pagpanaw ni SP Member Uy.

Sinabi ni Ginoong Abad na nakasama niya si Uy sa Sangguniang Panlunsod ng Cauayan sa loob ng 9 na taon.

--Ads--

Siya ay aktibong nakikibahagi sa mga debate tungkol sa mga issue at pagtalakay sa mga panukalang ordinansa.

Bago aniya naging SP Member si Uy ay matagal na nanungkulan na barangay kapitan ng District 1, Cauayan City at kapitbahay nila kaya alam niya ang kanyang ugali mula pagkabata.

Inilarawan ni City Administrator Abad si SP Member Uy na joker at generous. Siya ang nagpapatawa kapag seryoso ang talakayan.

Ang tinig ni City Administrator Jose Abad

Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Balong Uy ng District 1, Cauayan City, pumanaw ang kanyang kapatid sa isang ospital sa Maynila dakong alas dose ng hatinggabi dahil sa naging komplikasyon ng kanyang sakit matapos magkaroon ng bukol ang kanyang atay.

Isinasaayos na ng  kanyang pamilya ang  mga kailangan para maiuwi ang bangkay ni SP Member Uy sa Cauayan City.

Ibuburol ang kanyang bangkay sa isang Funeral Homes sa Lunsod.

Samantala, inihayag ni Vice Mayor Leoncio Dalin Jr. ang kanyang kalungkutan sa pagpanaw na ni SP Member Uy na inilarawan niyang mabait at masipag.

Sila aniya ang unang batch ng mga City councilor noong 2014 kasama sina dating SP members Jose Abad, Zaldy Foronda,  Kokoy Mallillin at Felix  Reyes.

Ayo kay Vice Mayor Dalin, palaging nananalo si Uy sa pagtakbo sa pagka-konsehal dahil sa kanyang magandang record.

Tuwing may talakayan aniya sa Sangguniang Panlunsod ay hindi naman kumukontra kundi ginagawa ni Uy ang karapatang magtanong, magbigay ng reaction at  dagdag na impormasyon.

Ang tinig ni Cauayan City Vice Mayor Leoncio Dalin