--Ads--

CAUAYAN CITY –  Binawian ng buhay sa ospital ang  babaeng sakay ng tricycle na nasugatan matapos magkaroon ng karambola ang tatlong sasakyan sa may tulay ng Nappacu Grande, Reina Mercedes, Isabela.

Isinugod sa ospital ang dalawang lulan ng tricycle na sina Dominador Marquez, 49 anyos at Merlita Agacite, 52 anyos at residente Magsaysay, Naguilian, Isabela matapos magkaroon ng karambola ang kanilang sasakyan, isang truck at isang SUV.

Batay sa  imbestigasyon ng Reina Mercedes Police Station, binabagtas ng truck at tricycle ang daan patungong Cauayan City habang patungo sa kasalungat na direksyon ang SUV.

Nang makarating sila sa nasabing lugar ay bumangga ang SUV sa tricycle matapos itong mahagip ng truck.

--Ads--

Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang tsuper at sakay ng tricycle  na agad na dinala sa isang pribadong ospital sa Cauayan City para malapatan ng lunas.

Gayunman, dahil malala ang natamong sugat sa ulo ay pumanaw si Merlita Agacite.

Sasampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injuries and Damage to Properties ang tsuper ng SUV na si Aeroll Benedict Gomez at ang tsuper ng truck na si Robert Ciudad ng Centro 3, Luna Isabela.