CAUAYAN CITY – Patay ang isang tricycle driver habang nasugatan ang dalawang sakay matapos bumangga sa kotse ang isang tricycle kaninang alas tres ng madaling araw sa national highway sa Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.
Ang tricycle na isang Honda TMX na walang plaka ay minaneho ng nasawi na si Jonel Parado, may-asawa at residente ng Quirino, Nagulian, Isabela.
Sakay ang mga nasugatan na sina Marivic Parado, 50 anyos, may-asawa at Juan Parado, 58 anyos, STL employee at kapwa residente ng Quirino, Naguilian, Isabela.
Ang nakabanggaan na Toyota Vios na may plate number POW 825 ay minaneho ni Kenneth Kert Ariola, 20 anyos, binata, college student at residente ng District 2, Reina Mercedes, Isabela.
Lumabas sa imbestigasyon ng Reina Mercedes Police Station na nangyari ang banggaan habang binabagtas ng tricycle ang pambansang lansangan patungo sa Cauayan City habang patungo sa kasalungat na direksyon ang kotse.
Bigla umanong nag-uturn ang kotse kaya’t nabangga ito ng kasalubong na tricycle.
Dahil dito ay nagtamo ng mga sugat sa katawan ang tsuper at dalawang sakay ng tricycle.
Agad silang dinala sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ang tsuper ng tricycle na si Parado.
Nasa kustodiya na ng Reina Mercedes Police Station ang tsuper ng kotse na si Ariola para sa kaukulang disposisyon.