--Ads--

CAUAYAN CITY – Bubuo ng task force ngayong araw ang Bureau of Fire protection (BFP) sa National Capital Region na mag-iimbestiga sa naganap na sunog sa Star City sa Pasay City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FChief Insp Jude Delos Reyes, spokesman ng BFP Central Office, sinabi niya na ipinabatid sa kanila ni Regional Director Wilberto Rico Neil A. Kwan Tiu ng BFP National Capital Region na nakakasakop sa Pasay City na bubuo sila ng task force upang mapabilis ang imbestigasyon sa lahat ng anggulo na posibleng sanhi ng pagkasunog malaking bahagi ng Star City.

Kailangan aniya ng BFP Pasay City ng tulong sa pag-iimbestiga dahil hindi lamang ang amusement park ang nasunog kundi nadamay pa ang mga kalapit na establisyemento.

Ang task force ay bubuuin ng 10-man team na magmumula sa iba’t ibang tanggapan ng BFP sa National Capital Region.

--Ads--

Sinabi pa ni FChief Insp Jude Delos Reyes na malaking hamon sa itatatag na task force ang pagtukoy sa pinagmulan ng sunog dahil sa dami ng mga bahay kalakal na nasa loob ng amusement park.

Ang tinig ni BFP Spokesman Jude delos Reyes

Unang inihayag ng mga fire investigator na kabilang sa mga iniimbestigahan ang anggulong arson o sadyang pagsunog sa amusement park dahil naging mabilis ang pagkalat ng apoy na nagmula sa ibat ibang bahagi ng Star City.