--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaasahang makakauwi na sa susunod na linggo ang Overseas Filipino Worker (Ofw) na taga-Lunsod ng Ilagan na nagtamo ng mga sugat sa katawan matapos sumabog ang tangke ng LPG sa tinitirhan ng kanyang amo  sa Riyadh, Saudi Arabia.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Eman Fajardo ng Public Employment Service Office (PESO) migrants desk ng LGU Ilagan City na ngayong araw sana  iuuwi si Ginang  Editha Santiago Avisado, residente ng Anggasian, Ilagan City.

Gayunman, ipinagpaliban ito sa susunod na linggo dahil hindi pa ganap na magaling ang mga tinamong sugat sa kanyang mga kamay, mukha at iba pa pang bahagi ng katawan.  

Ayon kay Ginoong Fajardo, sinabi ng anak ni Gng. Avisado na si Jonathan na para makaiwas  sa sunog na likha ng sumabog na tangke ng LPG noong Hulyo 2019  ay  tumalon ang  kanyang ina mula sa  ikalawang palapag ng bahay ng kanyang amo.

--Ads--

Nabali ang paa ng ginang at nilagyan ng stainless ang kanyang binti.

Sinagot ng kanyang amo ang pagpapagamot sa ospital ni Gng. Avisado.

Ayon kay Ginoong Fajardo, magkakaloob ng tulong ang pamahalaang lunsod ng Ilagan sa pamilya Avisado tulad ng pagpapahiram ng ambulansiya na susundo sa kanya sa Metro Manila bukod pa sa tulong pananalapi.

Ang pahayag ni Ginoong Eman Fajardo

Photo credit: Mr. Eman Fajardo FB