CAUAYAN CITY– Tinawag na fake news ni Senador Cynthia Villar, Chairperson ng Senate Committee on agriculture ang mga ulat na mayroong nagbebentang magsasaka ng Php8.00 hanggang Php10.00 kada kilo ng palay sabay hamon sa mga ito na patunayan kung tutoo ang nasabing balita.
Ang pahayag ay ginawa ng Senador sa ginanap na launching Isabela Rice Competitiveness Enhancement Fund na dinaluhan ng libu libong mga magsasaka sa Isabela.
Inihayag ni Senador Villar na lahat ng mga nagsasabi na ang presyo ng palay na Php9.00 hanggang Php10.00 kilo ay kanyang tinawagan ngunit wala naman umanong masabi sa kanya.
Hinamon din niya ang mga magsasaka sa Isabela na kung may nagbebenta ng siyam hanggang sampong piso kada kilo ng palay ay siya na ang bibili upang makamura siya.
Si Senador Cynthia Villar kasama si Agriculture Secretary William Dar ay dumalo sa launching Isabela Rice Competitiveness Enhancement Fund na isinagawa ngayong araw.