--Ads--

CAUAYAN CITY – Nabigyan na ng pagkakitaan at  maaari nang makapagtinda sa night market ang mga naapektuhan sa isinagawang road clearing operation sa Santiago City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sangguniang Panlunsod member  Wolfrando Lugod, Chairman ng Committee on  Public Order and Safety  at Committee on  Public Utilities na maaring sa kanilang lunsod anya ay mayroon nang ordinansang umiiral ukol sa paggamit ng bangketa na lakaran  ng mga tao at ang lansangan para sa mga  sasakyan.

Sumunod din anya ang pamahalaang lunsod ng Santiago sa pamumuno ni City Mayor Joseph Tan sa kautusan ng DILG na magsagawa ng road clearing operations sa mga road obstruction.

Inatasan din anya siya ng City Mayor upang asikasuhin ang mga nakaparadang tricycle sa paligid ng pamilihang lunsod  at dito itinalaga muna pansamantala ang Santiago City  Oval  na malapit sa palengke upang pagparadahan ng mga namamasadang tricycle.

--Ads--

Pansamantala anyang hiniram ng LGU ang  Santiago City  Oval  na pagmamay-ari ng Dep-Ed.

Pinapayagan naman ang mga triccyle na umikot upang manguha ng mga pasahero ngunit mahigpit na ipinagbabawal ang pagpaparada sa mga bangketa o gilid ng mga lansangan.

Nakipagtulungan din anya ang pamahalaang lunsod pangunahin na ang City Engineering Office  sa clearing operations ng DPWH at nagawan ng paraan upang mapa-atras ang mga illegal structures at mga illegal vendors sa mga bangketa

Mayroon na  anyang mapagkakitaan ang mga pinaalis na mga illegal vendors sa mga lansangan  dahil magkakaroon na ng night market sa Panganiban Street.

Tinig ni Sangguniang Panlunsod member Wolfrando Lugod ng Santiago City

Ang  Santiago City ay  nakakuha ng  high compliance sa isinagawang road clearing operations sa mga road obstruction.