--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinututukan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) region 2 ang ilang lugar sa rehiyon na nasa hotspot area ang isdang ludong.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Max Prudencio, Information Officer ng (BFAR) region 2, sinabi niya na kasabay ng pagpapatupad sa Bureau Administrative Circular 247 ay may apat na bayan silang tinututukan sa rehiyon kung saan may mga nahuhuling Ludong.

Ang pagpapatupad ng Bureau Administrative Circular 247 ay nagsisimula sa October 1 hanggang November 15 at mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli ng isdang ludong.

Ayon kay Ginoong Prudencio, nagsimulang ipatupad ang nasabing kautusan noong 2013 dahil sa unti-unti ng pagkaubos ng nasabing uri ng isda na mahuhuli lamang sa  Cagayan River.

--Ads--

Idinagdag pa niya na tutukan din nila ang mga ilog at pamilihan para alamin kung may ititinda pa ring Ludong sa kabila ng umiiral na batas.

Ang sinumang mahuhuli na nanghuli ng nasabing isda ay mahaharap sa anim na buwan hanggang isang taon na pagkakakulong.

Ayon kay Ginoong Prudencio, ang buwan ng Oktubre at Nobyembre ang panahon ng pangingitlog ng ludong kaya mahigpit nilang ipagbabawal ang paghuli nito para mabigyan ng pagkakataong makapagparami.

Malaking kawalan aniya kung nawala ang nasabing uri ng isda dahil may mga mangingisdang ito lamang ang pinagkakakitaan.

Sa ngayon ay nasa anim na libong piso ang kada kilo ng ludong.

Aniya, sinisikap nilang makakuha ng specimen ng isda para mapag-aralan at maparami ang uri nito.

Ayon pa kay Ginoong Prudencio, ang tahanan ng ludong ay sa mga ilog na nasa gitna ng kagubatan.

Nanawagan siya sa mga bumibili ng nasabing isda na huwag munang bumili tuwing close season para hindi rin manghuli ng ludong ang mga mangingisda at nang maiwasan ang paglabag nila sa umiiral na batas.

Ang tinig ni Ginoong Max Prudencio