CAUAYAN CITY – Nasa kritikal na kondisyon ang isang sundalo matapos bumangga ang sinasakyang motorsiklo sa isang truck sa pambansang lansangan sa barangay Alibagu, Ilagan City.
Sa paunang pagsisiyasat ng Ilagan City Police Station, binabaybay ang lansangan ng isang trailer truck na may plakang PUZ425 na minaneho ni Melchor Basi-Basi Jr., 37 anyos, may- asawa ang timog na direksiyon habang nasa kabilang linya naman ang isang Honda XRM na may plate number 4742 JX na minamaneho ni Private First Class Al Dagayon na nakatalaga sa 5th Infantry Division Phil. Army Upi Gamu, Isabela, 28 anyos, residente ng Babalag, Rizal, Kalinga.
Umagaw umano ng linya ang motorsilo at nang dumating sa pinangyarihan ng aksidente ay natanaw na umano ng tsuper ng truck ang mabilis na pagharurot ng naturang motorsiklo kayat ipinagilid nito ang kanyang minamanehong sasakyan para maiwasan ang motorsiklo ngunit bumangga pa rin ito sa likurang bahagi ng truck.
Lumabas din sa pagsisiyasat ng pulisya na nasa impluwensiya ng nakalalasinng na inumin si Dagayon nang maganap ang aksidente.
Agad namang tumugon ang mga kasapi ng Rescue 831 at dinala ang biktima sa Provincial Hospital subalit inilipat sa pribadong pagamutan dahil sa natamong matinding sugat sa kanyang ulo.











