CAUAYAN CITY – Dalawang helicopter ng Philippine Airforce (PAF) ang nagsasagawa na ng Rapid Disaster Assessment and Analysis sa Calayan, Cagayan at Basco, Batanes upang alamin ang epekto ng mga nagdaang bagyong Ramon at Sarah.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Lt. Col. Augusto Padua, Commander ng Tactical Operations Group 2 ng PAF sa Cauayan City, sinabi niya na naging maganda na ang sikat ng araw sa mga nabanggit na lugar kaya nagsagawa na ang kanilang dalawang Sikorsky helicopter ng Rapid Disaster Assessment and Analysis.
Layunin nitong matukoy ang pangangailangan ng mga residente sa naapektuhan ng bagyo sa Calayan, Cagayan at Basco Batanes at upang makita na rin ang epekto nito sa mga mamamayan.
Matapos aniya ang Rapid Disaster Assessment and Analysis ay makikipagpulong sila sa Office of Civil Defense (OCD) region 2 at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) at saka magpapasya kung ano ang mga kailangang tulong na dadalhin sa mga naapektuhan ng bagyo.
Nakahanda ang kanilang hanay na magdala ng mga relief goods at mga doktor kung kailangan sa nabanggit na lugar.T












