--Ads--

CAUAYAN CITY – Sasampahan ng tatlong kaso ang magsasaka na pinaputukan ang pulis na lumapit at sumita sa kanya dahil sa pagdadala nito ng baril sa isang videoke bar sa San Pedro, Mallig, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Loreto Infante, hepe ng Mallig Police Station, sinabi niya na isasampa nila ngayong araw ang 3 kaso laban sa suspek na si Wilfredo Feliciano, 37 anyos at residente ng Bimmonton, Mallig, Isabela.

Ito ay kinabibilangan ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, frustrated murder at assault upon a person or an agent in authority.

Aniya, 1:35 ng madaling araw kahapon nang tumawag ang kanilang asset sa Tabukenia videobar sa Barangay San Pedro at sinabing may isa silang kostumer na hinihinalang may dalang baril kaya nagpadala siya ng kanyang tauhan para ito ay kumpirmahin.

--Ads--

Nang magpakilala umano si PSSg Marlon Biraquit na  isang pulis ay biglang bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ito ng anim na beses.

Tumakbo ang pulis sa isang sasakyan at doon nagtago habang pinapaputukan siya ng suspek.

Nang magkaroon ng pagkakaton na gumanti ay pinaputukan niya rin ito at tinamaan si Feliciano ng dalawa sa kanyang puwitan at isa sa kanyang tiyan.

Ayon kay PMaj. Infante, hindi lang ito ang unang beses na nagtungo ang suspek sa nasabing lugar subalit hindi nila natitiyempuhan tuwing itinatawag sa kanila.

Marami aniya itong nainom kaya malakas ang loob nitong pinaputukan ang pulis.

Sa ngayon ay nasa ospital pa rin siya at binabantayan ng mga pulis.

Hanga naman si PMaj. Infante sa kanyang tauhan dahil ang ginawa nito ay pagpapakita ng katapangan at maayos na pagtupad sa kanyang tungkulin.

PMaj. Loreto Infante, hepe ng Mallig Police Station,