
CAUAYAN CITY – Patay ang isang driver matapos na tagain ng kaniyang nakababatang kapatid sa Gappal, Cauayan City.
Ang nasawi ay si Jonathan Galutera, 37 anyos habang ang suspek ay si Edmund Galutera, 34 anyos at kapwa residente ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, nag-iinuman ang magkapatid kasama ang kanilang mga kapit bahay nang pagsabihan umano ni Edmund ang kanyang kuya na huwag saktan ang kaniyang mga anak ngunit nagalit ang biktima.
Matapos ang kanilang sagutan ay kumuha si Edmund ng itak at pinagtataga sa ulo at katawan ni Jonathan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Dinakip ng mga opisyal ng barangay si Edmund at ipinasakamay sa Cauayan City Police Station at inihahanda ang kasong parricide na isasampa laban sa kanya.
Samantala sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Edmund Galutera, sinabi niya na nagsisisi siya sa pagpatay sa kanyang kuya.
Aniya, madalas silang magtalo ng kaniyang kuya dahil sa tuwing nalalasing ay nanggugulo at tuwing nasa biyahe siya ay ginugulo rin ang kaniyang pamilya.
Nilinaw niya na nais lamang niyang pagsabihan ang kaniyang kuya matapas suntukin ang kaniyang mga anak na may 14 at 10 subalit nagalit sa kanya.










