CAUAYAN CITY – Tumutulong na ang Philippine Veterinary Medical Association kasama ang mga volunteer veterinarians mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa pag-rescue sa mga hayop na naiwan sa mga bayan malapit sa Bulkang Taal.
Inilunsad kahapon ng Department of Agriculture (DA) at mga attached bureau ang Livestock Emergency Operation Center sa Lipa City, Batangas upang doon muna aalagaan ang mga hayop na maililigtas sa operasyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Noverlee Calub, OIC ng Animal Welfare Unit ng Bureau of Animal Industry (BAI) na nagkaroon ng meeting kahapon at napagkasunduan nila na magkaroon ng groupings.
May grupo na tututok sa mga companion animals o mga pet at sa mga food animals o livestock.
Nagdala na rin ng mga medisina ang BAI at may mga nagdo-donate ng mga gamot ngunit kailangan ang pagkain ng mga livestock sa rescue center.
Kailangan aniyang matutukan ang pagkain ng mga kalabaw, baka at kabayo na magmumula sa ibang lugar sa region IV-A dahil napinsala ang mga damo sa mga bayan malapit sa Bulkang Taal bunga ng ashfall.
Nanawagan ang BAI sa publiko na nais mag-donate ng pagkain ng mga livestock na makipag-ugnayan sa Provincial Veterinary Office ng Batangas.
Ayon kay Dr. Calub, ang hayop tulad ng tao ay nagkakaroon din ng sakit mula sa ashfall tulad ng skin allergy, respiratory disease at eye irritation.
Ang mga kalabaw, baka at kabayo na narescue ay namamaga ang mga mata dahil napuwing sa abo mula sa bulkan.
May mga baboy na namatay sa kanilang kulungan dahil hindi kinaya ang suffocation














